CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang lalaki habang isa naman ang nasugatan sa pamamaril ng isang gwardiya sa isang kasalan sa bayan ng Cabarroguis, Quirino.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Romel Lambert, hepe ng Cabarroguis Police Station sinabi niya na ang nasawi ay si Federick Mindoro at ang nasugatan ay si Oliver Cordero, na kapwa residente ng Manganlingay Cabarroguis, Quirino habang ang suspek ay si Jerome Pangilinan, gwardiya at residente ng Bayombong Nueva Vizcaya.
Agad ding naaresto ang suspek sa isinagawang hot pursuit operation ng PNP sa Lalawigan ng Nueva Vizcaya
Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na may alitan si Mindoro at ang suspek dahil sa pakikipag relasyon umano ng biktima sa asawa ng suspek kaya sinundan niya sa lalawigan ng Quirino at pinatay.
Aniya isa lamang ang tama ng biktima subalit tumagos ang bala sa ulo nito.
Sa ngayon ay hindi pa narekober ng pulisya ang baril na ginamit ng suspek sa pamamaril subalit narekober sa crime scene ang isang bala ng caliber 9mm na baril.
Nahaharap sa kasong murder ang suspek na nasa pangangalaga na ng Cabarroguis Police Station.











