CAUAYAN CITY – Tiniyak ng mga trabahador ng Saint Ferdinand Church na walang naging pagkukulang sa kanilang hanay sa kabila ng ilang paratang laban sa kanila.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Marjon Cabrera, isa sa mga trabahador kanyang sinabi na limang linggo na silang nagtatrabaho sa simbahan upang maglagay ng beam na paglalagyan ng ceiling fan ng simbahan.
Aniya mahigpit ang kanilang ginawang checking bago sila nag-lunch break kahapon at wala silang iniwang nakasaksak na anumang appliances.
Imposible rin aniyang dahil sa welding ang dahilan ng sunog dahil wala umanong nagwewelding sa kanila nang magsimula ang apoy.
Sa katunayan ay nakaalis na sila sa simbahan nang mabalitaan nilang nagkaroon na ng sunog at nang bumalik sila ay mayroon nang mga bumbero.
Nakiusap sila sa publiko na iwasan ang paggawa ng konklusyon ukol sa pinagmulan ng sunog at hintayin ang resulta ng imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection o BFP.











