CAUAYAN CITY – Nagpulong ang Schools Division Office o SDO Isabela at mga local chief executives sa lalawigan at bumalangkas ng panuntunan sa pagsuspinde ng klase dahil sa matinding init ng panahon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Rachel Llana, superintendent ng SDO Isabela na sa ginanap na pagpupulong ay nagbigay sila ng mga senaryo na pwedeng pagpilian ng mga local chief executives at school heads sa pagsuspinde ng klase.
Tatlo aniya ang pwede nilang pagpilian depende sa kalagayan ng paaralan.
Kabilang sa mga ito ang face to face classes ng umaga mula alas-7 hanggang alas-11 ng umaga at sa hapon ay asynchronous o blended learning.
Ayon kay Dr. Llana, dapat ay mayroon pa ring face to face classes ang mga mag-aaral para may pagkakataon ang mga guro na ivalidate ang iniuwing aralin.
Nagpaalala naman siya sa mga magulang na huwag sasagutan ang mga module ng kanilang mga anak.
Samantala, binigyang diin ni Dr. Llana na may karapatan ang mga school heads na magdeklara ng kanselasyon ng face to face classes alinsunod sa Deped Order No. 37.











