--Ads--

CAUAYAN CITY – Muling hinikayat ng DOLE Region 2 ang mga job seekers sa isasagawang malawakang job fair na kaugnay sa ika-isandaan dalawamput dalawang selebrasyon ng Philippine Labor Day o Araw ng Paggawa at ika limampung anibersaryo ng Labor Code sa unang araw ng Mayo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Employment Division Chief Kathlyn Sabado ng DOLE Region 2, sinabi niya na ang malawakang job fair ay isasagawa sa lalawigan ng Cagayan pangunahin sa Tuguegarao City, sa Isabela ay sa Community Center, Centro Poblacion, City of Ilagan at sa isang malaking mall; sa Quirino ay sa Provincial Gymnasium, Cabarroguis at sa Nueva Vizcaya ay gaganapin naman sa Provincial Capitol ng Bayombong.

Sa ngayon ay umabot na sa 144 na local employers ang makikibahagi sa Job Fair at nasa 6,345 naman ang job vacancies para sa mga job seekers.

Umabot naman sa 850 na applicants ang nakapag-pre register online para sa kanilang paglahok sa job fair.

--Ads--

Maliban dito ay mayroon ding overseas recruitment agencies na lalahok sa job fair para naman sa mga naghahanap ng trabaho sa abroad.

Mayroon ding isasagawang Government Service Caravan sa nasabing mga venue kung saan inimbitahan nila ang ilang ahensya tulad ng NBI, SSS, BIR, PSA, PRC, Philhealth, DFA, Pag-ibig, TESDA at iba pang ahensya para mailapit ang serbisyo sa ibat-ibang lalawigan sa Region 2.

Sa bahagi ng Tuguegarao ay magkakaroon ng medical mission at katuwang nila rito ang hospital industry sa Rehiyon.

Aniya mayroon ding Kadiwa ng Pangulo para sa mga manggagawa kung saan naimbitahan ang mga Micro, Small and Medium Enterprises o MSMEs para mag-exhibit ng kanilang mga produkto.

Maliban dito ay magkakaroon din ng malawakang payout sa mga TUPAD Beneficiaries at awarding ng livelihood assistance mula sa DOLE sa 1,260 beneficiaries.

Umaasa ang DOLE Region 2 na magiging maganda ang resulta ng isasagawang job fair dahil ibinaba na nila ang programa sa mga probinsya upang mailapit sa mga naghahanap ng trabaho.