Inirereklamo ng isang residente ang isang agrisupply matapos umanong hindi tumubo ang kanilang biniling binhi ng palay sa kanila.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay ginang Sheryl Dela Cruz, kanyang sinabi na bumili sila ng binhi na nagkakahalaga ng mahigit 22,000 pesos subalit nang kanila na umano itong itinanim ay hindi umano tumubo ang ilan dito.
Aniya nang ibabalik na nila ang binhi ay tumanggi umano silang palitan ito at sinabing ipapaalam pa ito sa manufacturer.
Wala pa umanong kasiguraduhan kung mapapalitan ang kanilang binhi at nag-aalala na din umano sila lalo’t wala na silang maipambili ng bago.
Samantala ayon naman kay ginang Janine Simon, staff sa agrisupply kanyang sinabi na hindi nila maaring palitan ang nabiling binhi dahil naibabad na ito at may amoy na.
Aniya dapat ay sinunod nila ang instruction na nasa sako upang hindi sila nagkaproblema.
Samantala ipinaalam na umano nila ang pangyayari sa manufacturer ng binhi at hinihintay na lamang nila ang kanilang magiging kasagutan.
Ito pa lamang umano ang unang pagkakataon na nagkaroon ng ganoong problema sa kanilang mga binhi.











