--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang karpintero matapos siyang palakulin sa ulo ng kaniyang sariling kapatid sa Brgy. Villapaz, Naguilian, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt Mirasol Pelagio, Chief Operations ng Naguilian Police Station sinabi niya na ang biktima ay nakilalang si Jimmy Lobendino, 36-anyos, may asawa, isang karpintero, at residente sa lugar habang ang suspek ay ang mismong kapatid nito na si Alyas Mario.

Batay sa kanilang pagsisisyasat bago ang insidente ay nag-iinuman ang magkapatid kasama ang kanilang bayaw, nang makaubos na ang mga ito ng tatlong bote ng alak ay dito na nagkaroon ng  pagtatalo ang magkapatid.

Sinubukan naman silang awatin ng kanilang bayaw subalit nagawa ng suspek na makakuha ng palakol at saka hinataw ang ulo ng biktima na naging sanhi ng agaran niyang pagkasawi.

--Ads--

Napag-alaman din sa pagsisisyasat na nakatira lamang sa iisang bahay ang magkapatid at hindi ito ang unang pagkakataon na nagtalo ang magkapatid  habang nasa impluwensya ng nakalalasing dahil madalas umanong magwala ang biktima tuwing nakakainom.

Wala naman aniya silang makitang malalim na alitan ang dalawa at marahil ay dala lamang ng kalasingan kaya nagawa ng suspek ang karuma-dumal na krimen.

Kusang sumuko naman ang suspek sa kanilang Punong Barangay na siya namang nagpasakamay sa himpilan ng Pulisya.