Umabot sa mahigit pitong daang libong halaga ng marijuana ang nasamsam ng mga otoridad sa isinagawang operasyon ng pulisya sa lungsod ng Ilagan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Noralyn Andal, Public Information Officer ng City of Ilagan Police Station, sinabi niya na nasamsam sa isang babaeng suspek ang anim na marijuana bricks sa isinagawang entrapment operation ng pinagsanib na pwersa ng PDEA Isabela Provincial Office, Ilagan City Police Station, IPPO PDEU, PDEG, at RIU2 sa Barangay Alibagu, City of Ilagan, Isabela.
Ang suspek ay mula sa Iloilo at nagtatrabaho sa isang KTV Bar sa Upi Gamu Isabela.
Nakumpiska sa suspek ang isang sando bag na naglalaman ng anim na marijuana bricks na may timbang na 6,000 grams at estimated street value na P720,000, isang cellphone na ginamit nito sa transaksyon at buy-bust money.
Aniya nalaman nila ang operasyon ng suspek sa isang concerned citizen kung saan nagsagawa sila ng surveillance at nalaman na ito nagbebenta ng iligal na droga sa bayan ng Gamu at City of Ilagan.
Dahil dito ay nagkasa na sila ng drug buybust operation na naging dahilan ng pagkahuli ng suspek na nakapiit na ngayon sa Ilagan Police Station para sa tamang disposisyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.