Personal na iprinisinta ngayong araw, Pebrero 11, 2025 ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) at ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang tatlong (3) sumukong mga natitirang dating miyembro ng New People’s Army (NPA) kabilang na ang Vice Commander ng Komiteng Probinsiya (KOMPROB) sa mga lokal na media na ginanap sa Conference Hall, Main Building Capitol Complex, Alimannao Hills, sa Tuguegarao City, Cagayan.
Kinilala ang mga sumukong rebelde na sina Ka Ranny, Ka Madel, at Ka Max.
Si Ka Ranny ay isang Vice Commander ng KOMPROB na may hawak na mataas na posisyon sa mga operasyon ng rebelde na gumagalaw sa probinsiya ng Cagayan at dating squad at platoon leader sa ilalim ng Hendrick Abraham Command.
Habang sina Ka Madel at Max ay kapwa miyembro ng Indigenous People at sumapi sila sa kilusan noong taong 2020.
Nagsilbi naman ang dalawa bilang Supply Officer ng West Front Committee ng KOMPROB Cagayan.
Ayon sa PNP Cagayan, ang pagsuko ng tatlong NPA ay isang simbolo at resulta ng mas pinaigting na kolaborasyon ng mga awtoridad at iba pang ahensiya.
Itinuturing din itong isang malaking tulong upang magkaroon ng maayos, tapat at payapang eleksiyon sa May 2025.