--Ads--

Muling pinatunayan ng Bombo Radyo Philippines ang kahusayan nito sa larangan ng pagbabalita matapos masungkit ang tatlong pangunahing parangal at dalawang special citation sa ginanap na 47th Catholic Mass Media Awards (CMMA).

Ang prestihiyosong pagkilalang ito ay patunay ng patuloy na paninindigan ng Bombo Radyo sa totoo, responsable, at makabuluhang pamamahayag na nakatuon sa kapakanan ng komunidad.

Pinangunahan ng Bombo Network News ang mga karangalang natanggap bilang Best News Program sa ikalawang sunod na taon isang back-to-back victory para sa flagship newscast ng himpilan.

Nasungkit naman ng Bombo Special Report ang parangal bilang Best Business News or Feature, habang itinanghal na Best Entertainment Program ang Pinoy Memories ng Star FM Iloilo.

--Ads--

Bukod pa rito, tumanggap din ng Special Citations ang Bombo Lifestyle para sa Best Public Service Program, at Istoryang Pasada: Takbo ng Star FM Manila para sa Best Counseling Program.

Ngunit higit sa lahat, isang makasaysayang tagumpay ang nakamit ng Bombo Radyo Philippines ngayong taon dahil ito ay kwalipikado sa lahat ng siyam (9) na kategorya ng radio division patunay ng matatag nitong presensiya sa balita, pampublikong serbisyo, at entertainment programming.

Kabilang sa mga iba pang Bombo Radyo finalists ang:

• Bombo News and Views Morning Edition (Bombo Radyo Cebu) – Best News Program

• Bombohanay sa Udto (Bombo Radyo Cebu) – Best News Commentary Program

• Bombo Special Report na The Seven Last Words (Bombo Radyo Cauayan) – Best Educational Program

• It’s All for You in the Morning (Star FM Bacolod) – Best Entertainment Program

• Good Morning Philippines (Bombo Radyo Iloilo), Bombohanay Ed Ugto (Bombo Radyo Dagupan), at It’s All for You in the Morning (Star FM Dagupan) – Best News Feature

• Sarming Ti Biag (Bombo Radyo Cauayan) – Best Drama Program

Ang Catholic Mass Media Awards, na itinatag noong 1978 ni yumaong Archbishop Jaime Cardinal Sin, ay nagbibigay-parangal sa mga indibidwal at institusyong gumagamit ng media upang itaguyod ang katotohanan, dangal ng tao, at pananagutang panlipunan alinsunod sa turo ng Simbahan.

Iniaalay ng Bombo Radyo Philippines ang mga karangalang ito sa lahat ng tapat na tagapakinig at tagapanood sa Pilipinas at sa ibang bansa na patuloy na nagbibigay inspirasyon sa 32 fully digitalized stations ng network upang maghatid ng mapagkakatiwalaang balita, makabuluhang serbisyo publiko, at mga programang nagbibigay-buhay sa bawat komunidad.

Basta Radyo, BOMBO!