--Ads--

Tatlong menor de edad ang naitalang nasawi habang apat naman ang nasugatan matapos matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang bahay kasabay ng pananalasa ng Super Typhoon Uwan sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Alvin Ayson, tagapagsalita ng OCD Region 2, sinabi niya na kabilang sa mga nasawi ang dalawang limang taong gulang na kambal. Tatlo naman ang sugatan matapos matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang bahay sa Sitio Poblacion, Barangay Balangabang, Kayapa, Nueva Vizcaya.

Ayon sa Kayapa Police Station, naitala ang landslide kahapon ng alas-2:30 ng madaling-araw. Habang natutulog ang mga biktima kasama ang kanilang mga magulang at isa pa nilang kapatid, bigla na lamang silang natabunan ng gumuhong lupa.

Sinubukan umanong iligtas ng ama ang kambal katuwang ang kanilang mga kapitbahay at dinala ang mga ito sa pinakamalapit na pagamutan, ngunit idineklara nang dead on arrival ang mga biktima.

--Ads--

Kasalukuyan namang nagpapagaling sa ospital ang mag-asawa at isa nilang anak, habang iniuwi na sa kanilang barangay ang labi ng kambal.

Sa hiwalay na insidente, nasawi naman ang isang 10-taong gulang na Grade 5 student, habang isang 12-anyos na Grade 6 student ang nasugatan matapos matabunan din ng gumuhong lupa sa Kasibu, Nueva Vizcaya.