Nasakote ng mga awtoridad ang isang 30-anyos na babaeng online seller na kinilalang si alyas “Joy-joy” sa isinagawang buy-bust operation dakong alas-11:12 ng gabi ng Disyembre 22, 2025 sa Purok 1, Barangay Pinoma, Cauayan City.
Ayon sa ulat, ang suspek ay tubong Quezon City at kasalukuyang naninirahan sa nasabing lugar kasama ang kaniyang live-in partner. Isinagawa ang operasyon matapos makumpirma ng mga awtoridad ang umano’y iligal na gawain ng suspek.
Sa salaysay ni alyas “Joy-joy,” nakuha umano niya ang ipinagbabawal na gamot mula sa isang lalaking hindi niya personal na kakilala. Aniya, binili niya ang naturang item sa halagang ₱1,000 at ibinenta naman sa halagang ₱2,000.
Una niyang itinanggi na siya ay gumagamit ng ilegal na droga subalit kalaunan ay umamin na noong gabi ng Disyembre 21 ang huling pagkakataon na siya ay gumamit. Dagdag pa ng suspek, ito umano ang unang beses na sinubukan niyang magbenta ng ilegal na droga.
Narekober mula sa kaniya ang isang pirasong tissue paper na may tape, isang transparent plastic sachet na naglalaman ng apat na maliliit na plastic sachet ng hinihinalang shabu, isang long-lasting color black pink open box, isang puting plastic, isang tunay na ₱1,000 bill, isang boodle money, at isang itim na Samsung Galaxy na cellphone.
Kasunod ng pagkakaaresto, dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at paghahain ng kaugnay na kaso. Patuloy namang paalala ng mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan sa kampanya laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng pag-uulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang komunidad.
--Ads--











