--Ads--

Nahuli ng pulisya ang dalawang lalaki at isang babae matapos makumpiskahan ng 450 reams ng smuggled at undocumented na sigarilyo sa isang checkpoint sa Brgy. San Antonio, Alicia.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMAJ. Felix Mendoza, Chief of Police ng Alicia Police Station, tumambad sa mga pulis ang mga sigarilyo na nakakalat sa loob ng MPV dahil hindi umano magkasya ang 9 boxes sa sasakyan.

Itinago ang mga suspek sa alyas na “Leo”, “Lyn”, at “Tope,” na pawang residente ng Brgy. Pulong, San Miguel, Talavera, Nueva Ecija.

Batay sa imbestigasyon, galing ang mga sigarilyo sa Talavera, Nueva Ecija at ide-deliver sana sa Isabela. Tinatayang nagkakahalaga ang nasamsam na kargamento ng P324,000.

--Ads--

Ayon sa pulisya, madalas ideliver ng mga suspek ang mga ilegal na sigarilyo sa gabi hanggang madaling araw.

Samantala, nananawagan ang hepe sa mga barangay officials na mas paigtingin pa ang kanilang pagbabantay nang sa ganoo’y walang maipupuslit na mga ilegal na kargamento sa kanilang mga nasasakupan.