--Ads--

Inihayag ng mga simbahan at civil society groups na idaraos ang ikatlong Trillion Peso March sa EDSA Shrine sa darating na Pebrero 25, kasabay ng paggunita sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.

Ayon sa mga organizer, kabilang ang Caritas Philippines, iikot ang martsa sa tatlong pangunahing tema: pag-alala sa nakaraan, pagkilos sa kasalukuyan, at pagsusulong ng isang kinabukasang makakamit ang mga adhikain ng people power.

Magsisimula ang aktibidad sa isang prayer march mula EDSA Shrine patungong Club Filipino bilang paggunita sa panunumpa ni dating Pangulong Corazon Aquino.

Pagkatapos nito ay magkakaroon ng programa sa People Power Monument, na susundan ng banal na misa sa EDSA Shrine na pangungunahan ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas.

--Ads--

Hindi lamang sa Metro Manila gaganapin ang selebrasyon dahil magsasagawa rin ng kani-kanilang aktibidad ang 86 na Catholic dioceses sa iba’t ibang panig ng bansa.

Matatandaang unang isinagawa ang Trillion Peso March noong Setyembre 21, 2025, at sinundan ito ng ikalawang martsa noong Nobyembre 30, 2025.