Pinag-aaralan ng lokal na pamahalaan ang paglalagay ng rumble strips sa ilang bahagi ng mga kalsada sa lungsod ng Santiago bilang karagdagang hakbang sa pagpapalakas ng road safety measures.
Layunin ng rumble strips magsilbing babala sa mga motorista upang maghinay-hinay at maging alerto habang nagmamaneho.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Modesto Cabanos III, City Government Department Head I ng DPOS Santiago City, sinabi niya na malaking bahagi ng mga naitatalang aksidente sa kalsada ay may kaugnayan sa human error, kabilang ang overspeeding at pagmamaneho nang nasa impluwensya ng alak.
Dahil dito, nakikita ng pamahalaan na makatutulong ang paglalagay ng rumble strips bilang paalala sa mga motorista, lalo na sa mga lugar na may mataas na bilang ng aksidente.
Kasabay nito, muling iginiit ng mga awtoridad ang kahalagahan ng disiplina sa pagmamaneho at mahigpit na pagsunod sa mga batas-trapiko upang maiwasan ang sakuna sa kalsada.











