Iginiit ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na bigo ang prosekusyon na maglatag ng sapat na batayan upang ituloy ang kaso laban sa kanya sa ikatlong araw ng confirmation of charges hearing sa International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I nitong Huwebes, Pebrero 26, 2026.
Unang sumalang ang depensa sa pagdinig kung saan nilinaw ni Atty. Nicolas Kaufman, lead counsel ng dating Pangulo, na ang kanilang mga argumento ay hindi paglapastangan sa sinumang nasawi o sa mga kaanak ng mga ito na dumalo sa gallery ng ICC. Aniya, ang kanilang mga pahayag ay nakatuon lamang sa Documents Containing Charges na inihain ng prosekusyon.
Binigyang-diin ni Kaufman na hindi tungkulin ng depensa na maglahad ng alternatibong naratibo o magpaliwanag hinggil sa facts and figures na iniharap ng prosekusyon. Sa halip, layunin umano nilang kumbinsihin ang mga hukom ng ICC na walang “substantial grounds” upang paniwalaang nagawa ng dating Pangulo ang mga krimeng ibinibintang sa kanya.
Ayon pa kay Kaufman, hindi dapat manatiling nakakulong ang dating Pangulo habang nagpapatuloy ang proseso kung hindi naman umano sapat ang ebidensyang iniharap laban dito.
Tinukoy rin ng depensa ang pahayag ng prosekusyon na kahit wala ang mga naging pahayag ng dating Pangulo, may iba pa umanong ebidensyang magpapatibay sa akusasyon. Gayunman, mariing kinontra ito ni Kaufman at sinabing kanilang patutunayan na ang mga iniharap na ebidensiya ay hindi substantial at kulang upang pagtibayin ang mga kaso laban sa dating Pangulo.











