Sugatan ang isang 17 taong-gulang na binatilyo matapos masangkot sa isang head-on collision o banggaan sa kahabaan ng National Highway, Purok 4, Brgy. Nungnungan II, Cauayan City, bandang alas-9:15 ng gabi nitong Pebrero 24, 2026.
Batay sa police report na iniulat dakong alas-10:45 ng gabi, sangkot sa aksidente ang isang kotse at isang single motor. Ang kotse, isang Toyota Vios, ay minamaneho ni alyas “Berto,” 36-anyos, single at sales supervisor mula Purok 2, Gumbauan, Echague, Isabela. Ang motor naman ay minamaneho ng 17-anyos na si alyas “Edi,” residente ng Brgy. Del Pilar, Alicia, Isabela, na ayon sa ulat, walang lisensya sa pagmamaneho.
Lumabas sa imbestigasyon na parehong binabaybay ng dalawang sasakyan ang iisang kalsada ngunit magkasalungat ang direksyon, patungong Alicia ang Toyota Vios at patungong Cauayan City ang Mitsubishi. Ayon sa ulat, mabilis ang takbo ng Mitsubishi nang magsalubong ang dalawa, dahilan upang mag-head-on ang mga sasakyan.
Dahil sa lakas ng banggaan, nagtamo ng seryosong pinsala ang 17-anyos at agad itong isinugod sa ospital ng mga rumespondeng tauhan ng Rescue 922 para sa agarang medikal na atensyon. Ayon sa ulat, nakainom umano ang drayber ng motor at pauwi na sana sa kanilang bahay nang mangyari ang aksidente. Nang kausapin ng Rescue 922, hindi umano nito alam kung nasaan siya at inakala nitong nakauwi na siya, palatandaan ng matinding epekto ng insidente at posibleng impluwensya ng alak.
Parehong nagtamo ng pinsala ang dalawang sasakyan, at patuloy pang tinataya ang halaga ng danyos.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad habang muling pinaalalahanan ang publiko na sumunod sa batas-trapiko at tiyaking may sapat na kakayahan at dokumento bago magmaneho upang maiwasan ang kaparehong aksidente.











