--Ads--

Mas paiigtingin ng kapulisan ang pagbabantay sa mga kabataang nagmamaneho sa kanilang nasasakupan kasunod ng patuloy na pagtaas ng bilang ng vehicular accident sa lalawigan. ‎

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jonathan Ramos, Chief of Police ng Luna Police Station, sinabi niyang magpapatupad sila ng mas mahigpit na monitoring at pagpapatrolya, lalo na laban sa mga kabataang nagmamaneho ng single motor. Aniya, napapansin nilang dumarami ang mga menor de edad na gumagamit ng motorsiklo sa mga pangunahing kalsada maging sa mga barangay road. ‎ ‎

Batay sa datos na inilabas ng Land Transportation Office (LTO), nangunguna ang single motor sa may pinakamaraming naitalang aksidente sa lalawigan kung saan umabot sa mahigit 500 insidente noong buwan lamang ng Enero. Ipinapakita umano ng bilang na ito na mas lantad sa panganib ang mga gumagamit ng motorsiklo kumpara sa ibang uri ng sasakyan. ‎ ‎

Sinabi nig hepe na sa kanilang monitoring, madalas kapag kabataan ang sangkot sa aksidente ay wala pa itong driver’s license at kulang o walang suot na safety gear gaya ng helmet. Dahil dito, mas tumitindi ang pinsalang natatamo sa oras na maaksidente. ‎ ‎

Bilang tugon, palalakasin ng Luna Police ang pagsasagawa ng checkpoint operations, regular na pagpapatrolya, at pakikipag-ugnayan sa mga barangay upang mabantayan ang mga kabataang nagmamaneho nang walang kaukulang dokumento.

Maglulunsad din sila ng information drive upang paalalahanan ang mga magulang hinggil sa kanilang responsibilidad na tiyaking hindi basta-basta nakakapagmamaneho ang kanilang mga anak.