--Ads--

Pinasinayaan na ng Cauayan City Water District (CCWD) ang paggamit ng online payment para sa pagbabayad ng water bills.

Ayon kay Engr. Manolito Supnet, unang umusbong ang ideya ng online transaction noong panahon ng pandemya, kung kailan karamihan sa mga consumer ay takot lumabas at magtungo sa kanilang opisina.

Aniya, nagpasya silang makipag-partner sa isang online payment application upang mapagaan ang accessibility ng serbisyo ng water district.

Malaking tulong ito para sa mga consumer mula sa malalayong barangay dahil hindi na sila gagastos ng pamasahe para lamang magbayad ng bills. Mas mabilis din ang proseso dahil hindi na kailangan pang pumila.

--Ads--

Sa kabila ng bagong payment scheme, tiniyak ng CCWD na walang mangyayaring pagbabawas ng empleyado at hindi maaapektuhan ang performance ng kanilang tanggapan. Umaasa rin sila na dahil mas madali na ang pagbabayad, mababawasan ang mga consumer na hindi nakakapagbayad sa tamang oras.

Batay sa datos ng CCWD, umaabot na sa 17,000 consumer ang kumukuha ng kanilang serbisyo. Malaking bagay kung mayorya sa kanila ay gagamit ng online payment.

Bukod sa online payment, nananatiling bukas ang kanilang drive-thru facility para sa mga member-consumer na may arrears.