Patuloy na isinusulong ng City Health Office (CHO) sa Santiago City ang pagsasagawa ng mga seminar ukol sa sex education para sa mga kabataan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Niel Bryan Ang, Pharmacist at Focal Person ng SCHO-HAT, sinabi nitong kadalasang mga kabataang nasa teenage years ang kanilang nagiging audience sa isinasagawang information and education campaign (IEC).
Ayon kay Ang, hindi sila nagsasagawa ng ganitong talakayan para sa mas batang edad dahil maselan ang paksa at kinakailangang maingat sa paggamit ng mga salita at paliwanag.
Ipinaliwanag din nito na bago banggitin ang ilang terminolohiya na may kinalaman sa sex education, nakikipag-ugnayan muna sila sa mga guro upang matiyak na naaayon ito sa antas ng pag-unawa ng mga estudyante.
Dagdag pa ni Ang, dahil bahagi na rin ng aralin sa paaralan ang usapin ng sex education, mas nagiging maayos ang pagtalakay sa paksa sa tulong ng koordinasyon sa mga guro at administrador ng eskwelahan.
Layunin ng CHO na mabigyan ng sapat at tamang kaalaman ang mga kabataan upang maging responsable at maingat sa mga usaping may kinalaman sa reproductive health.











