--Ads--

Nagbabala ang isang kumander ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) na sarado na ang Strait of Hormuz at aatakihin ang anumang sasakyang-dagat na magtatangkang dumaan dito, ayon sa state media ng Iran.

Sinabi ni Ebrahim Jabbari, senior adviser ng IRGC commander-in-chief, na hindi pahihintulutang makatawid ang anumang barko at handang kumilos ang Revolutionary Guard at regular na hukbong-dagat ng Iran laban sa mga ito.

Ang Strait of Hormuz, na nasa pagitan ng Iran at Oman, ay isa sa pinakamahalagang daluyan ng langis sa mundo kung saan dumaraan ang tinatayang 20% ng pandaigdigang suplay ng krudo. Ang anumang pagkaantala rito ay maaaring magdulot ng pagtaas ng presyo ng langis at lalong magpalala ng tensyon sa rehiyon.

Bahagi ito ng pagganti ng Tehran kasunod ng pambobomba ng Israel at United States na nagsimula noong Sabado, kung saan nasawi ang Supreme Leader ng Iran na si Ali Khamenei at iba pang matataas na opisyal.

--Ads--

Nagbanta rin si Jabbari na targetin ang mga oil pipeline at hindi papayagang makalabas ang kahit isang patak ng langis sa rehiyon, at posibleng umabot sa 200 dolyar kada bariles ang presyo ng krudo sa mga susunod na araw.

Dahil sa tumitinding kaguluhan, agad na sumirit ang presyo ng enerhiya sa pandaigdigang merkado. Halos 50% ang itinaas ng natural gas sa Europa at halos 40% naman sa Asya matapos ihinto ng QatarEnergy ang produksyon ng liquefied natural gas matapos maapektuhan ang mga pasilidad nito.

Naulat din na tinarget ng mga drone ang Ras Tanura oil refinery ng Saudi Arabia, ngunit napigilan umano ng depensa ng militar ang pag-atake.

Samantala, sinabi ni US Secretary of State Marco Rubio na kikilos ang Estados Unidos upang mabawasan ang epekto ng tumataas na presyo ng enerhiya dulot ng digmaan sa Iran at mapanatili ang katatagan ng pandaigdigang suplay.