--Ads--

Kinondena ng Russia at China ang pag-atake ng Estados Unidos at Israel sa Iran, at nanawagan ng agarang pagtigil ng mga operasyong militar upang maiwasan ang lalo pang paglala ng tensyon sa rehiyon.

Sinabi ng Chinese Foreign Ministry sa pamamagitan ni Foreign Minister Wang Yi sa kanyang pakikipag-usap sa Israeli counterpart na dapat ihinto ang opensiba, lalo na’t may umiiral umanong negosasyon noon sa pagitan ng Washington at Tehran na may progreso na, kabilang ang usapin sa seguridad ng Israel.

Hinimok din ng China ang Israel na tiyakin ang kaligtasan ng mga Chinese national at establisyimento sa Iran.

Samantala, binatikos din ni Russian Foreign Minister Sergey Lavrov ang aksyon ng US at Israel. Ayon sa kanya, walang nakikitang ebidensiya ang Moscow na gumagawa ng nuclear weapons ang Iran.

--Ads--

Aniya ang patuloy na pag-atake ay maaaring magtulak sa Iran at iba pang bansa sa rehiyon na maghangad na magkaroon ng sariling nuclear power, na posibleng magdulot ng mas malawak na nuclear proliferation.

Iginiit ng Russia na handa itong tumulong sa paghahanap ng diplomatikong solusyon sa sigalot. Nagbabala rin ito na maaaring humantong ang sitwasyon sa humanitarian at economic crisis kung magpapatuloy ang digmaan.