--Ads--

Lumampas na sa $100 kada bariles ang presyo ng langis sa unang pagkakataon mula nang salakayin ng Russia ang Ukraine, kasabay ng lumalalang epekto ng digmaan ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran.

Umangat nang hanggang 20% ang Brent crude, ang global benchmark, nitong Linggo, na umabot sa higit $111 kada bariles, dahil sa pangamba ng matagalang pagkaantala sa pandaigdigang suplay ng enerhiya.

Tumaas nang halos 50% ang presyo ng crude oil mula nang isagawa ng US at Israel ang magkasanib na pag-atake sa Iran noong Pebrero 28. Ang mga banta at retaliatory attacks ng Iran ay nagdulot ng pansamantalang paghinto ng pagpapadala sa Strait of Hormuz, na siyang ruta para sa halos 1/5 na bahagi ng pandaigdigang suplay ng langis.

Dahil dito, napilitang bawasan ang produksyon ng Iraq, United Arab Emirates, at Kuwait, tatlo sa pinakamalalaking producer ng OPEC dahil sa limitadong storage at pagkaantala sa transportasyon ng langis.

--Ads--

Naglunsad din ang Israel ng pag-atake sa mahahalagang pasilidad ng enerhiya sa Iran sa gitna ng lumalawak na tensyon sa rehiyon.

Bumagsak ang stock market sa Asya nitong Lunes ng umaga dahil sa pangamba ng mga investors sa epekto ng tumataas na presyo ng enerhiya. Bumagsak ang Japan Nikkei 225 ng halos 6%, habang ang South Korea KOSPI ay halos 7%.

Nagtala rin ng pagbaba ang US stock futures: bumaba ng 1.7% ang futures para sa benchmark na S&P 500, at 1.9% naman para sa tech-heavy Nasdaq Composite.