Nagpahayag ng katapatan at suporta ang military at political leaders ng Iran kay Mojtaba Khamenei matapos siyang italagang bagong supreme leader ng bansa kapalit ng kanyang amang si Ali Khamenei na nasawi sa unang bugso ng pag-atake ng Estados Unidos at Israel.
Kasabay nito, nagpapatuloy ang pambobomba ng United States at Israel sa Iran, kung saan naitala ang mga pagsabog sa lungsod ng Qom at Tehran. Nangyari ito ilang oras matapos ang pag-atake ng Israel sa mga oil facility na nagdulot ng makapal at nakalalasong usok sa kabisera ng Iran.
Kinumpirma naman na umabot na sa walo ang nasawing sundalo ng Estados Unidos sa gitna ng labanan. Ito ay isang araw matapos magbigay-pugay si Donald Trump sa seremonya para sa mga sundalong nasawi sa nasabing digmaan.
Sa Saudi Arabia, dalawang katao ang nasawi sa lungsod ng Al Kharj matapos ang mga counterattack ng Iran.
Samantala, sa Lebanon, mahigit kalahating milyong katao na ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan habang nagpapatuloy ang palitan ng putok sa pagitan ng hukbo ng Israel at ng militanteng grupong Hezbollah.










