--Ads--

Tinupok ng apoy ang isang residential house na nagresulta sa tinatayang P80,000 na halaga ng pinsala sa Purok 3, Barangay San Francisco, San Manuel, Isabela, kahapon ika-10 ng Marso.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Senior Fire Officer 2 Wilma Valentin, Chief Admin at ground commander ng Bureau of Fire Protection (BFP) San Manuel, sinabi nito na bandang 8:01 ng umaga nang makatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen hinggil sa insidente.

Dahil nasa 6.9 kilometro ang layo ng lugar mula sa kanilang himpilan,8:12 ng umaga na nang makarating ang mga tauhan ng BFP sa pinangyarihan ng sunog.

Ayon sa imbestigasyon, concrete ang kabuuang istruktura ng bahay ngunit gawa sa kawayan ang kusina, kung saan pinaniniwalaang nagsimula ang sunog batay sa pahayag ng mga residente sa lugar.

--Ads--

Dagdag pa ni SFO2 Valentin, maagang umalis ang may-ari ng bahay kasama ang kanyang anak dahil nagtatrabaho ito sa baryo. Iginiit ng may-ari na natanggal na ang lahat ng saksakan ng kanilang mga appliances at nakasara rin ang kanilang gasul bago sila umalis ng bahay.

Bandang alas-8:22 ng umaga nang maideklarang fire under control ang sunog habang tuluyang idineklara ang fire out alas-8:28 ng umaga.

Kaugnay nito, muling nanawagan ang Bureau of Fire Protection sa publiko na tiyaking maayos ang mga gamit sa loob ng bahay at siguraduhing tanggal ang mga saksakan ng appliances bago umalis ng kanilang tahanan upang maiwasan ang sunog.

Samantala, sinabi rin ng opisyal na naging maayos ang kanilang kick-off activities sa pagsisimula ng Fire Prevention Month ngayong Marso.

Kabilang sa kanilang mga aktibidad ang pamamahagi ng mga fliers mula Marso 1 hanggang 31, pagsasagawa ng kanilang hanay ng feeding program sa Villa Cayaban Elementary School sa Marso 12, at tree planting activity sa Marso 14.

Pinaalalahanan din ng BFP ang publiko hinggil sa maingat na paggamit at pag-iimbak ng mga galon-galon na gasolina, na ayon sa kanila ay mahigpit nilang minomonitor sa kanilang nasasakupan upang maiwasan ang mga insidenteng may kinalaman sa sunog.