--Ads--

Nagbabala ang Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) na maaaring umabot sa 7.5% ang inflation ngayong taon kung magpapatuloy at lalala ang sigalot sa pagitan ng United States, Israel, at Iran.

Batay sa dalawang senaryo ng DEPDev, kung tataas ang presyo ng krudo sa $100 kada bariles, maaaring pumalo ang inflation sa 4.5%–5.1% sa Marso, at mag-average ng 4%–4.2% sa 2026. Sa mas matinding senaryo na $140 kada bariles, posibleng umabot ang inflation sa 6.3%–7.5% sa Marso, na may average na 4.5%–4.8% sa buong taon.

Kasabay ng pagtaas ng presyo ng petrolyo, inaasahan ding tataas ang presyo ng gasolina, diesel, at kerosene ngayong linggo. Posibleng maapektuhan din ang remittances ng OFWs kung ipatutupad ang deployment ban at repatriation sa mga apektadong bansa, na maaaring magbawas ng P226–231 bilyon sa padalang pera at mabawasan ang OFW population ng higit 550,000.

Ipinapayo ng DEPDev ang ilang hakbang upang mabawasan ang epekto, kabilang ang suspension ng excise tax sa petrolyo, fuel subsidies, staggered price adjustments, pagpapalawak ng bioethanol, energy conservation, at renewable energy projects. Tinaya ng ahensya na ang suspinde sa excise tax ay maaaring magpababa ng presyo ng diesel ng P6 kada litro at gasolina ng P10 kada litro.

--Ads--