Inirekomenda ni House Deputy Minority Leader at Akbayan party-list Rep. Chel Diokno sa House Committee on Justice na kunin ang kustodiya ni Ramil Madriaga, na isa umanong material witness sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Si Madriaga ay kasalukuyang nakapiit sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City.
Hinimok din ni Diokno ang komite na maglabas ng subpoena duces tecum para sa kopya ng SALN ni Duterte noong 2022-2025, 2007-2013, at 2016-2022 o mula ng magsimula ang kanyang karera sa serbisyo publiko hanggang sa kasalukuyan.
Nais din ni Diokno na ipa-subpoena ng komite sa Anti-Money Laundering Council (ALMC) ang mga bank record ni Duterte upang malaman kung angkop ito sa kanyang mga idineklara.
Hiniling din ng mambabatas na ipakuha ang rekord ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng isinagawa nitong imbestigasyon sa pagbabanta ni Duterte kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez.










