--Ads--

Nilinaw ng grupo ng mga LPG distributors sa bansa na walang pagbabago sa presyo ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) ngayong buwan ng Marso, kahit na may pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Arnel Ty, presidente ng Liquefied Petroleum Gas Marketers Association (LPGMA), sinabi niya na bago pa man sumiklab ang kaguluhan sa Gitnang Silangan noong Pebrero 28, nagbaba na ng presyo ang Saudi Aramco, kaya hindi nagbago ang presyo ng LPG noong nakaraang buwan.

Nananatiling sapat ang suplay ng LPG sa Pilipinas para sa buwan ng Abril. Kalahati ng suplay mula sa Gitnang Silangan ay nakarating na sa bansa, habang ang iba pa ay in-transit, dahilan upang walang dapat ipangamba ang mga mamimili.

Plano naman ng pamahalaan na makipag-ugnayan sa Estados Unidos upang kumuha ng tatlong barko na magde-deliver ng LPG supply sa Pilipinas para sa buwan ng Mayo at Hunyo, bilang opsyon kung sakaling mas lumala pa ang kaguluhan sa rehiyon.

--Ads--

Malaking bagay rin na patapos na ang winter season sa ibang bansa, dahil nangangahulugan ito na hindi na gaanong malakas ang demand ng LPG sa susunod na anim na buwan. Kung magkakaroon man ng pagtaas, mas mababa lamang ito kung ikukumpara sa presyo ng fuel.

Ani Ginoong Arnel Ty, mahigpit ang bilin ng pamahalaan sa mga LPG distributors na huwag magtaas ng presyo ngayong Marso. Kung mayroon mang tataas, maaari itong iulat sa Department of Energy para sa kaukulang parusa.