Dumating sa Maynila nitong Linggo ang kabuuang 343 Pilipino mula sa Middle East sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa rehiyon.
Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ang mga umuwing Pilipino ay lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 alas-7 ng umaga sakay ng chartered flight na inihanda ng OWWA.
Ang mga ito ay nagmula sa Bahrain, Al Khobar, at Riyadh, Saudi Arabia.
Sinabi ni OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan sa isang press briefing na marami sa mga repatriated na Pilipino ay itinuturing na “distressed Filipinos”, o mga nakatanggap ng tulong mula sa pamahalaan habang nasa kanilang host country at naghihintay ng repatriation.
Samantala, tiniyak ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Cacdac na makakatanggap ng tulong ang mga nagbalik na Overseas Filipino Workers (OFWs). Kabilang dito ang mga job fair, livelihood assistance, at reskilling programs mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Magbibigay rin ng medical assistance ang Department of Health (DOH) para sa pangangalaga sa kalusugan ng mga umuwing OFW.
Dagdag pa ni Caunan, ang ilang Pilipino mula sa Kuwait ay nakatawid na patungong Riyadh at inaasahang makakabalik na rin sa Pilipinas sa mga susunod na araw.
Mas maaga namang dumating sa NAIA Terminal 3 ang 26 OFWs at siyam na miyembro ng kanilang pamilya mula sa Qatar.
Noong Sabado, iniulat ng DMW na 442 Pilipino, kabilang ang 200 OFWs, ang dumating sa NAIA Terminal 3 sakay ng chartered flight.
Sa kabuuan, 1,022 OFWs at 293 dependents ang na-repatriate mula Marso 5 hanggang Marso 14 dahil sa lumalalang tensyon sa Middle East.
Lumala ang sitwasyon sa rehiyon matapos magsagawa ng magkasanib na pag-atake ang Estados Unidos at Israel laban sa Iran noong Pebrero 28, dahilan upang magsagawa ang pamahalaan ng Pilipinas ng repatriation efforts para sa mga Pilipino sa mga apektadong lugar.











