Nananatiling matatag ang presyo at suplay ng mga pangunahing bilihin sa ilang lungsod at munisipalidad sa Isabela batay sa pinakahuling monitoring ng Department of Trade and Industry (DTI).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Division Chief Tessie Guitering ng Consumer Protection Division ng DTI Isabela, sinabi nito na tuloy-tuloy ang kanilang price monitoring sa mga basic necessities and prime commodities na sakop ng kanilang ahensya.
Ayon kay Guitering, kabilang sa mga produktong kanilang mino-monitor ang canned fish at iba pang marine products, processed milk, kape, tinapay, instant noodles na locally manufactured, detergent, laundry soap, kandila, asin at bottled drinking water alinsunod sa itinakda ng Price Act.
Aniya, sa kanilang regular na monitoring sa Cauayan City, Santiago City at Ilagan City, may ilang tindahan na nagtaas ng presyo ng produkto ngunit nananatili pa rin umano ito sa reasonable level, kung saan nasa loob lamang ng hanggang 10 porsyento ng Suggested Retail Price (SRP) ang paggalaw ng presyo.
Dagdag pa ng opisyal na kung may makitang pagtaas ng presyo ay agad silang nag-iisyu ng Letter of Inquiry (LOI) sa mga establisyemento upang alamin ang dahilan nito at hinihikayat ang mga negosyante na iayon ang presyo sa SRP hangga’t maaari.
Samantala, tiniyak ng DTI na batay sa resulta ng kanilang monitoring noong nakaraang linggo ay sapat ang suplay ng mga pangunahing bilihin at nananatiling matatag ang sitwasyon ng merkado sa Ilagan City, Cauayan City, Santiago City at iba pang bahagi ng lalawigan ng Isabela.











