Nag-uwi ng karangalan ang isang batang estudyante mula Santiago City matapos makamit ang 3rd Prize sa Guangdong–Hong Kong–Macao Greater Bay Area International Mathematical Olympiad (Big Bay Bei) 2025–2026 final round sa Hong Kong.
Si Kristoff Kean Camello, Grade 7 student ng University of La Salette High School Department, ay ipinakita ang kanyang husay sa matematika sa prestihiyosong international competition nitong March 13–16.
Ayon sa kanyang ina, masipag at disiplinado si Camello, at sariling pagsisikap ang naging sandigan niya sa paghahanda para sa kompetisyon. Bilang bunsong anak sa limang magkakapatid, lumaki si Kean na humahanga at natututo sa pagsisikap ng kanyang mga kapatid, tatlo sa mga ito ay nakapagtapos na ng pag-aaral.
Sa kabila ng mga hamon, ipinapakita ng bata na ang sipag, tiyaga, at paniniwala sa sariling kakayahan ay nagbubunga ng tagumpay. Matatandaang nakamit na rin ni Camello ang Silver Medal sa International Mathematical Olympiad (TIMO) sa Bangkok, Thailand nitong ika-pito ng Pebrero.
Sa kabuuan, mahigit 1,000 delegado ng Pilipinas ang sumabak sa final round sa Hong Kong, kung saan 152 ang lumahok onsite at 1,000 naman ang sumali online, na nagpapakita ng malaking suporta at interes ng bansa sa larangan ng matematika sa pandaigdigang kompetisyon.











