Binigyang-diin ni Atty. Levito Baligod na hindi pa sila nagkakausap ni Vice President Sara Duterte.
Inihayag niya ito kahit may mga paratang na si Duterte umano ang nasa likod ng paglantad sa 18 indibidwal na nagpakilalang ex-Marines at nag-deliver ng male-maletang pera sa ilang opisyal.
Aniya, posibleng pagod o jaded na ang ilan kaya hindi makapaniwala na may mga Pilipino na handang magsakripisyo para gawin ang ganitong hakbang.
Ipinaliwanag din ni Baligod na kahit may mga nagsasabing si Duterte ang nasa likod nila, hindi pa sila nagkaroon ng anumang pag-uusap ni Vice President Sara Duterte.
Sinagot din niya ang mga kumakalat na ang paglantad sa mga indibidwal ay bahagi ng destabilisasyon sa pamahalaan. Ayon sa kanya, kung ito ay itinuturing na destabilization dahil nag-ulat sila tungkol sa umano’y nakawan, handa niyang aminin na bahagi siya ng destabilizer, kahit na hindi niya layunin na guluhin ang gobyerno.
Samantala, sinabi niya na hindi niya pinapansin ang mga nagiging kaaway dahil sa kanilang ginawa, at ang tanging layunin nila ay makatulong upang matigil ang pagnanakaw sa bayan.











