--Ads--

Inihayag ni Atty. Levito Baligod nitong Lunes na magsusumite siya ng mga ebidensya sa Office of the Ombudsman upang patunayan ang umano’y panunuhol sa ilan sa mga dating bodyguard ni dating kongresista Zaldy Co na umatras sa kanilang mga naunang pahayag kaugnay ng alegasyon ng korapsyon sa mga flood control project.

Kasama ni Baligod ang ilan sa mga dating bodyguard nang magtungo sila sa Ombudsman upang ihain ang kanilang mga salaysay at iba pang impormasyon.

Ayon sa abogado, kabilang sa mga ihaharap niyang ebidensya ang mga screenshot at naitalang pag-uusap na umano’y magpapakita ng tangkang panunuhol. Gayunman, inamin niyang maaaring hindi ito tanggapin bilang ebidensya sa korte dahil sa mga probisyon ng Anti-Wire Tapping Law na nagbabawal sa pagre-record ng usapan nang walang pahintulot ng lahat ng sangkot.

Hindi naman pinangalanan ni Baligod kung sino ang nasa likod ng umano’y panunuhol, ngunit sinabi niyang umabot umano sa ₱25 milyon ang iniaalok kapalit ng pagbawi sa mga naunang alegasyon.

--Ads--

Iginiit din niya na ang apat na dating bodyguard na nagbawi ng kanilang mga pahayag ay magkakasama umano at limitado ang kanilang kalayaan sa pagkilos.

Bukod dito, sinabi ni Baligod na kanyang pasisinungalingan ang paratang na may mga tauhan ng Ombudsman na umano’y nanakot sa kanila upang pirmahan ang kanilang mga affidavit kaugnay sa kaso.