Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magsisimula na sa Abril 6 ang nationwide rollout ng fuel subsidies para sa karagdagang sektor ng transportasyon, bilang tugon ng pamahalaan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Sa kanyang vlog nitong Linggo, sinabi ng Pangulo na nakapaglabas na ng pondo ang Department of Transportation (DOTr) para sa fuel subsidy program.
Tiniyak niya ang tuloy-tuloy na suporta ng pamahalaan sa mga transport sector na apektado ng mataas na presyo ng petrolyo.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), mahigit 98,000 tricycle drivers sa Metro Manila ang nakatanggap na ng tig-₱5,000 cash relief assistance sa unang linggo ng pamamahagi.
Magpapatuloy ang distribusyon ng ayuda para sa iba pang public utility vehicle (PUV) drivers sa Metro Manila hanggang Marso 24.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na programa ng gobyerno upang maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis sa sektor ng transportasyon, na isa sa pinakaapektado ng pandaigdigang krisis sa enerhiya.
Ang fuel subsidy ay inaasahang makakatulong hindi lamang sa mga tsuper kundi pati na rin sa mga commuter, dahil maaaring maiwasan ang biglaang pagtaas ng pamasahe.











