Patuloy na pinapalakas ng pamahalaan ang oil reserves ng bansa sa gitna ng tumitinding pandaigdigang krisis sa langis.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, nasa biyahe na ang 500,000 bariles ng diesel patungong Pilipinas upang madagdagan ang lumiliit na fuel buffer ng bansa.
Bukod sa kasalukuyang padating na suplay, nakatakda ring makakuha ang gobyerno ng karagdagang 500,000 bariles ngayong linggo.
Tinatayang tatagal lamang ng limang araw ang dagdag na suplay dahil ang bansa ay kumukonsumo ng humigit-kumulang 200,000 bariles ng diesel kada araw.
Ayon kay Garin, sapat pa ang reserba ng bansa hanggang unang linggo ng Mayo at wala pang senyales ng agarang fuel crisis.
Sa kabila nito nagbabadya parin ang panibagong bugso ng fuel price hikes.
Inanunsyo ng Jetti Petroleum na magpapatupad ng isang beses na dagdag-presyo na naglalaro sa ₱18 kada litro sa diesel at ₱8 kada litro sa gasolina ngayong linggo.
Dahil dito, posibleng umabot sa ₱130 kada litro ang diesel at nasa ₱100 kada litro ang gasolina.
Sa ngyaon wala pang abiso ang Department of Energy (DOE) sa iba pang kompanya ng langis.
Samantala, tumaas na ang presyo ng Dubai crude sa higit $134 kada bariles, matapos umabot sa rekord na $166.80, dulot ng pinsala sa mga energy hub sa Gitnang Silangan dahil sa kaguluhan ng US-Israel laban sa Iran.
Inamin ni Garin na mas mataas ang pagtaas ng presyo ng langis sa Pilipinas kumpara sa mga karatig-bansa dahil wala tayong sapat na refinery at hindi nagbibigay ng subsidy ang gobyerno bunsod ng Oil Deregulation Law.
Ang natitirang refinery ng bansa sa Bataan ay kumukuha ng 98% ng crude oil mula sa Gitnang Silangan.
Samanatala, sinusulong ni Sen. Erwin Tulfo ang panukalang batas na obligahin ang mga kompanya ng langis na ilantad ang breakdown ng kanilang gastos upang maiwasan ang labis na pagtaas ng presyo tuwing may krisis.











