--Ads--

Matagumpay na naaresto ng Roxas Municipal Police Station ang isa sa No. 6 Municipal Most Wanted Person sa kasong paglabag sa Article II, Section 11 at Section 12 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, bandang 9:30 kaninang umaga sa Purok 2, Brgy. Sotero Nuesa, Roxas, Isabela.

Ang naarestong akusado ay itinago sa alyas “Macky,” 31 taong gulang, single, OFW, at residente ng nasabing lugar.

Isinagawa ang operasyon ng Joint Tracker Team na pinangunahan ng Roxas Municipal Police Station bilang Lead Unit, katuwang ang RMU2, RIU2-PIT Isabela West, PDEU IPPO, at 201st MC-RMFB2.

Naaresto ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Setyembre 21, 2023 ng Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 23, Roxas, Isabela, na may inirekomendang piyansa na nagkakahalaga ng P220,000.

--Ads--

Matapos ang pag-aresto, ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine.

Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Roxas PNP para sa kaukulang dokumentasyon bago i-turnover sa korte na naglabas ng warrant. Ang suspek ay nakarehistro rin sa E-Warrant System.