Isinasaalang-alang ngayon ng LGU Cauayan City ang posibilidad ng pagpapatupad ng odd-even scheme para sa mga tricycle driver bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo at limitadong supply ng langis.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr. sinabi niya na makatutulong ang nasabing scheme upang mabawasan ang bilang ng mga tricycle sa lansangan na posibleng magresulta sa mas maikling pila sa pagpapakarga ng gasolina at mas maayos na daloy ng trapiko.
Dagdag pa ng alkalde, kapag mas kaunti ang tricycle na bumibiyahe, mas kaunti rin ang konsumo sa gasolina na isang hakbang para sa fuel conservation sa gitna ng krisis.
Pinaalalahanan din ng alkalde ang publiko na ang bagong ipinatutupad na pamasahe ay pansamantala lamang at mananatili habang umiiral ang krisis sa suplay ng langis.
Aniya, sa oras na bumalik sa normal ang supply at bumaba ang presyo ng langis, inaasahan ding ibabalik sa dati ang pamasahe.
Sa kasalukuyan, patuloy ang ginagawang monitoring ng lokal na pamahalaan sa sitwasyon ng langis at pamasahe upang matiyak na naaayon ito sa kapakanan ng mga motorista at pasahero sa lungsod.










