Kusang loob na sumuko sa Dasmariñas Component City Police Station nitong Lunes ng gabi si Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga kaugnay sa kasong cyberlibel laban sa kanya, batay sa ulat ng Police Regional Office Calabarzon (PRO 4A).
Ito ay kasunod ng paglabas ng warrant of arrest mula sa Makati City Regional Trial Court Branch 147 para sa walong bilang ng paglabag sa Section 4(c) ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act.
Ang reklamo laban kay Barzaga ay inihain nina businessman Enrique Razon, Antipolo Rep. Ronaldo Puno, at Manila Rep. Rolando Valeriano matapos niyang akusahan na ang ilang miyembro ng National Unity Party (NUP) ay umano’y binayaran ng negosyante upang suportahan si dating House Speaker Martin Romualdez.
Itinakda ng korte ang pyansa sa P48,000 kada bilang, na may kabuuang halaga na P384,000. Sa kasalukuyan, si Barzaga ay nasa kustodiya ng Dasmariñas City police.











