Ibinunyag ng testigong si Ramil Madriaga sa kanyang sinumpaang supplemental affidavit ang umano’y naging talakayan nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng isang kasunduan kung saan magbibitiw umano si Marcos sa taong 2025 upang bigyang-daan ang pagtakbo ni Vice President Sara Duterte sa pagkapangulo sa 2028.
Ayon kay Madriaga, sinabi umano sa kanya ni Duterte ang naturang plano bago ang halalan noong 2022, kasunod ng isang pagpupulong kung saan nabuo ang tambalang Marcos-Duterte.
Layunin umano ng sinasabing kasunduan na masigurong makapaglilingkod si Pangulong Marcos nang mas mababa sa apat na taon upang mapanatili ang kwalipikasyon ni VP Sara Duterte sa susunod na presidential race.
Dagdag pa ni Madriaga, matapos manumpa si VP Sara bilang bise presidente, tinalakay umano kasama ang ilang retiradong opisyal ng militar ang iba’t ibang paraan upang mapalitan si Marcos sa puwesto sakaling hindi ito kusang bumaba.
Kabilang umano sa mga nabanggit na opsyon ang pagpapalakas ng alegasyon ng korapsyon bilang posibleng batayan ng impeachment, gayundin ang iba pang hakbang tulad ng mass resignation ng mga opisyal, civil disobedience, at iba pang anyo ng malawakang pagkilos.
Binanggit din umano sa affidavit ang mas matitinding senaryo gaya ng posibleng kaguluhang sibil at iba pang hakbang na maaaring magdulot ng pagbabago sa liderato ng bansa.
Ayon pa kay Madriaga, inatasan din umano siyang mag-recruit ng iba’t ibang grupo kabilang ang mga civic organizations at fraternity groups upang suportahan ang naturang inisyatiba.
Samantala, pinasinungalingan umano ni Madriaga ang naunang pahayag ni Vice President Sara Duterte na wala itong kaugnayan sa kanya, at iginiit na nagsinungaling umano ito sa ilalim ng panunumpa.











