--Ads--

Namahagi ng cash incentive ang Schools Division Office (SDO) Quirino sa mga atletang nagkamit ng medalya sa CAVRAA 2026 bilang pagkilala sa kanilang tagumpay at upang magsilbing inspirasyon sa iba pang manlalaro.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Division Information Officer Arnold Saballa, layunin ng pagbibigay ng insentibo na mahikayat ang mga atleta na pagbutihin pa ang kanilang performance at mapanatili ang mataas na antas ng kompetisyon ng delegasyon ng Quirino.

‎Kabilang sa mga unang nakatanggap ng insentibo si Ethan Jace Viernes, ang pinakabatang atleta ng koponan sa men’s artistic gymnastics sa Elementary Cluster 1, matapos makapag-uwi ng apat na gintong medalya at isang tansong medalya sa paunang mga laban.

‎Binigyan siya ng paunang cash incentive na nagkakahalaga ng ₱60,000 para sa kanyang apat na gintong medalya, bilang pagkilala sa kanyang natatanging tagumpay.

‎Tiniyak ng pamunuan na lahat ng opisyal na medalistang atleta ay makatatanggap ng kaukulang insentibo, alinsunod sa itinakdang halaga para sa bawat medalya.
‎‎
‎Samantala, napaiyak naman sa tuwa ang ilang gold medalist matapos makamit ang hindi inaasahang panalo sa nagpapatuloy na CAVRAA meet sa gitna ng mahigpit na kompetisyon mula sa iba’t ibang delegasyon kung saan nanaig ang determinasyon, paghahanda, at pananalig ng mga atletang nagbigay ng kanilang buong husay sa laban.

‎Kabilang sa mga nagbigay karangalan ay ang delegasyon ng SDO Quirino, kung saan isa sa mga itinanghal na kampeon ay si Jaryd Jay Marcos na nagwagi ng gold medal sa 200-meter finals ng athletics o track and field sa gabay ng kanyang mga coaches na sina Cenon Gumaru at Nherieda Cardona.

‎Ayon kay Marcos, labis ang kaba na kanyang naramdaman bago ang laban ngunit napalitan ito ng saya at emosyon matapos niyang makamit ang tagumpay.

‎Aminado siyang hindi niya inaasahan ang pagkapanalo dahil sa lakas ng kanyang mga nakatunggali sa nasabing event.

‎Ibinahagi rin ng atleta na naging susi sa kanyang panalo ang patuloy na pananalangin at masusing pagsasanay na nakatulong sa pagpapalakas ng kanyang resistensya at bilis.

‎Dagdag pa niya, hindi lamang siya ang napaiyak sa kanyang pagkapanalo kundi maging ang kanyang mga magulang na labis ang tuwa at pagmamalaki sa kanyang nakamit.

‎Aniya, ang suporta ng kanyang pamilya at ang paghikayat ng kanyang guro ang nagsilbing inspirasyon upang ipagpatuloy niya ang kanyang laban sa larangan ng isports.

Ayon naman kay Coach Nherieda Cardona, isa sa mga coach ni Marcos, hindi naging madali ang kanilang paghahanda bagamat limitado ang oras ng ensayo upang maiwasan ang labis na pagkapagod ng atleta, katuwang si Coach Cenon sa paghubog ng kakayahan ng manlalaro.

‎Ayon pa sa coach, ika-apat lamang si Marcos sa kanilang time trial bago ang aktwal na laban kaya’t hindi nila inaasahan ang kanyang pagkapanalo. Gayunpaman, sa mismong karera ay ipinamalas nito ang determinasyon at nagawang agawin ang panalo sa huling dalawang metro ng takbuhan.

‎Binigyang-diin ni Cardona na mahalaga ang consistency sa pagsasanay, sapat na motibasyon, at mahabang pasensya lalo na sa mga batang atleta. Aniya, malaki rin ang papel ng suporta ng mga magulang upang matulungan ang mga kabataan na makamit ang kanilang mga pangarap.