--Ads--

Inanunsyo ng Land Transportation Office (LTO) ang tatlong buwang palugit para sa pag-renew ng mga lisensya sa pagmamaneho at rehistro ng sasakyan na nakatakdang mag-expire, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon sa LTO, saklaw ng extension ang mga dokumentong magtatapos ang bisa simula Abril 2026, at maaari itong i-renew sa loob ng tatlong buwan nang walang anumang multa o penalty.

Ipinaliwanag ng ahensya na ang hakbang ay ipinatupad bilang tugon sa deklarasyon ng State of National Energy Emergency at alinsunod sa utos ng pangulo.

Layunin ng polisiya na magbigay-ginhawa sa publiko sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin.

--Ads--

Kabilang sa sakop ng extension ang driver’s at conductor’s licenses, student driver’s permits, at rehistro ng mga sasakyan.

Dagdag pa ng LTO, walang ipapataw na karagdagang bayarin para sa late renewal sa loob ng itinakdang extension period.

Binigyang-diin ng ahensya na layon nitong maibsan ang pasanin ng mga motorista at mabigyan sila ng sapat na oras upang maayos na makapag-renew ng kanilang mga dokumento nang hindi nadaragdagan ang gastusin.