--Ads--

Nadiskubre at marekober ng mga otoridad ang isang arms cache na pinaniniwalaang pag-aari ng Communist Terrorist Group (CTG) sa San Mariano, Isabela.

Bandang hapon ng Abril 16, 2026, nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na pwersa ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), sa pangunguna ng mga tauhan ng 4th Platoon ng 1st Isabela Provincial Mobile Force Company (IPMFC), sa Barangay Disulap, San Mariano, Isabela.

Ang operasyon ay isinagawa katuwang ang Provincial Intelligence Unit (PIU-IPPO), Isabela PECU, Regional Intelligence Unit 2 (RIU2), at ang 95th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Ang naturang operasyon ay nagmula sa impormasyong ibinahagi ng isang dating rebelde na kinilalang “Jhonny,” na siyang nagturo sa kinalalagyan ng nakabaong armas na itinago sa loob ng isang kulay abong timba.

--Ads--

Sa isinagawang paghuhukay at operasyon, natuklasan at nakumpiska ang iba’t ibang kagamitang pandigma.

Kabilang dito ang dalawang improvised anti-personnel mines o IED components, sampung non-electric blasting caps, at dalawang rifle grenades (M76 HE) na may bull trap at canister.

Nasamsam din ang limang piraso ng 40mm HEDP cartridges at labing-anim na bala ng 7.62 mm na linked ammunition.

Dagdag pa rito, narekober ang tatlong piraso ng 1/4 pound C4 high explosives, limang metro ng commercial detonating cord, at limang metro ng time fuse.

Nakita rin sa lugar ang dalawang metro ng electrical wire, dalawang piraso ng revolutionary books, dalawang long magazine pouches, at isang backpack.

Agad na dinala ang mga nakuhang kagamitan sa 1st IPMFC Headquarters para sa dokumentasyon at pansamantalang kustodiya. Samantala, ang mga explosive ordnance ay itinurn-over sa Isabela PECU para sa tamang disposisyon.