Pinapabilis ng Department of Energy (DOE) ang implementasyon ng 22 renewable energy projects bilang tugon sa banta ng krisis sa langis at upang palakasin ang alternatibong pinagkukunan ng kuryente sa bansa.
Ayon kay Usec. Claire Castro ng Presidential Communications Office, layunin ng pamahalaan na mabawasan ang pag-asa ng Pilipinas sa imported na langis na kadalasang naaapektuhan ng pabago-bagong presyo sa pandaigdigang merkado.
Sa isang press briefing sa Iloilo City, sinabi ni Castro na kabilang sa mga prayoridad na proyekto ang 12 solar, anim na hydroelectric, dalawang biomass, isang wind project, at isang integrated renewable energy storage system.
Binigyang-diin na mahalaga ang mga naturang proyekto lalo na sa gitna ng oil crisis, kung saan ang volatility ng presyo ng petrolyo ay maaaring makaapekto sa suplay ng kuryente at gastusin ng mga konsyumer.
Inaasahan ng pamahalaan na sa pamamagitan ng pagpapalawak ng renewable energy, magkakaroon ng mas matatag, mas abot-kaya, at mas malinis na suplay ng enerhiya sa bansa, habang pinoprotektahan din ang ekonomiya mula sa epekto ng pandaigdigang krisis sa langis.











