Nakarating na sa bayan ng Itbayat, Batanes ang kauna-unahang fire truck ng Bureau of Fire Protection (BFP) na inaasahang magpapabilis sa pagtugon sa insidente ng sunog sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FSUPT Franklin Tabingco, Provincial Fire Marshal ng BFP Batanes, sinabi nito na malaking tulong ang pagdating ng fire truck lalo na’t ang Itbayat ang itinuturing na pinakadulong bayan sa hilagang bahagi ng Pilipinas at mas malapit pa sa Taiwan kaysa mainland Luzon.
Ayon kay FSUPT Tabingco, matagal nang nasa Batan Island ang nasabing fire truck ngunit inantay pa ang tamang panahon at koordinasyon sa mga stakeholders at shipping line upang ligtas itong maihatid sa Itbayat, na kilala sa mapanganib at limitadong pantalan.
Bago pa man dumating ang fire truck, umaasa lamang ang mga residente sa bayanihan system tulad ng paggamit ng timba, tubig at buhangin sa pag-apula ng sunog habang ang BFP personnel ay nakatuon sa fire prevention, edukasyon at inspeksyon ng mga establisyemento.
Sa ngayon, inaasahang mas mapapabilis na ang pagtugon sa sunog sa lugar kasabay ng pagkakaroon ng naturang kagamitan, lalo na’t may mga naitala na ring insidente ng sunog sa isla.
Samantala, isinasagawa na rin ang konstruksyon ng kauna-unahang fire station sa Itbayat na nagkakahalaga ng humigit-kumulang 21 milyong piso upang higit pang mapalakas ang kakayahan ng BFP sa nasabing lugar.
Aminado naman ang opisyal na nananatiling hamon ang ilang bahagi ng isla dahil sa matatarik at makikitid na kalsada, ngunit may mga alternatibong ruta naman na maaaring daanan ng fire truck upang maabot ang iba’t ibang komunidad.
Tiniyak naman ng BFP na patuloy ang kanilang pagsisikap na mapabuti ang serbisyong pangkaligtasan lalo na sa mga liblib at mahihirap marating na lugar gaya ng Itbayat, Batanes.











