--Ads--

Nagdulot ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Maharlika Highway, partikular sa bahagi ng Barangay Tactac, Santa Fe, Nueva Vizcaya, ang aksidenteng kinasangkutan ng isang trailer truck at wing van truck kagabi, Abril 24.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Flordeliz Agbayani, Deputy Chief of Police ng Santa Fe Police Station, sinabi niya na ang trailer truck ay may kargang mga saku-sakong palay na patungong Bulacan. Samantala, ang wing van truck naman ay may kargang mga dry goods na patungo sa City of Ilagan.

Batay sa paunang imbestigasyon, nang marating ng wing van truck ang palusong at pakurbadang bahagi ng kalsada sa nasabing barangay ay nawalan ito ng preno. Dahil dito, hindi na nakontrol ng drayber ang sasakyan at tuluyang bumangga sa likurang bahagi ng kasalubong na trailer truck.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon at nagkalat sa kalsada ang mga saku-sakong palay mula sa trailer truck, habang ang naturang sasakyan ay sumadsad pa sa gilid at bumangga sa barrier ng kalsada. Dahil dito, parehong humambalang ang dalawang truck sa magkabilang lane, na nagdulot ng matinding pagsikip ng daloy ng trapiko at mahabang pila ng mga sasakyan sa lugar.

--Ads--

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng MDRRMO, DPWH, RMFB, at iba pang ahensya ng lokal na pamahalaan upang magsagawa ng clearing operations. Matapos ang humigit-kumulang apatnapung minuto, bahagyang nabuksan ang isang lane upang makadaan ang ilang sasakyan.

Upang maiwasan ang lalo pang pagbigat ng trapiko, nagpatupad ng rerouting ang mga otoridad at pinayuhang dumaan na lamang ang mga motorista sa Malico–Pangasinan Road bilang alternatibong ruta.

Ganap na naalis ang mga naaksidenteng sasakyan bandang alas-tres ng madaling araw, kung saan tuluyan nang naibalik sa normal ang daloy ng trapiko matapos mabuksan ang parehong lane ng kalsada.

Ayon pa kay PLt. Agbayani, bahagyang nahirapan ang mga otoridad sa pagtanggal ng trailer truck dahil sumabog ang isa sa mga gulong nito. Dagdag pa niya, kilala ang nasabing lugar bilang accident-prone area dahil sa matarik at pakurbadang kalsada.

Sa huli, muling nagpaalala ang opisyal sa mga motorista na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan, partikular ang preno, bago bumiyahe upang maiwasan ang kaparehong insidente.