Itinuturing na pangunahing serbisyo ng Philippine National Police Highway Patrol Group o HPG ang pag-iisyu ng motor vehicle clearance na kinakailangan sa iba’t ibang transaksyon kaugnay ng mga sasakyan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Renoli Bagayao, Provincial Officer ng HPG Isabela, sinabi nito na kabilang sa mga madalas nilang inaasikaso ay ang transfer of ownership, pagpapalit o pagbabago ng makina, pagbabago ng kulay, at maging ang pagre-reclassify ng sasakyan mula pribado patungong pampubliko o utility.
Ayon kay PMaj. Bagayao, mahalagang dokumento ang motor vehicle clearance bago maisagawa ang mga nasabing proseso, kaya ito ang isa sa pinakakaraniwang kinukuha ng kanilang mga kliyente.
Dahil dito, patuloy na dumarami ang mga indibidwal na nagtutungo sa kanilang tanggapan upang matiyak ang legalidad ng kanilang mga transaksyon.
Dagdag pa ng opisyal, hindi lamang mga residente ng Santiago City ang kanilang pinaglilingkuran kundi maging ang mga mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan at kalapit na lugar, at maging ang ilang kliyente mula sa malalayong lugar gaya ng Cebu.
Binigyang-diin nito na nananatiling mahalaga ang papel ng HPG sa pagpapadali at pagtiyak ng maayos na proseso sa rehistrasyon at legal na pagbabago sa mga sasakyan sa rehiyon.










