--Ads--

Nagbabala ang Isabela Highway Patrol Group sa publiko laban sa posibilidad na makabili ng carnapped o nakaw na sasakyan sa mga online marketplace.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Renoli Bagayao, Provincial Officer ng Highway Patrol Group Isabela, hinimok nito ang mga naghahanap ng second-hand na sasakyan online na maging maingat, partikular sa mga transaksyong isinasagawa sa social media.

Ayon kay PMaj. Bagayao, huwag agad magtiwala sa mga sasakyang ibinebenta online, lalo na kung hindi pa nasusuri ang mga dokumento nito. Maaari umanong magtungo ang mga mamimili sa tanggapan ng HPG upang ipa-verify ang mga papeles at matiyak na lehitimo ang pagkakakilanlan at dokumentasyon ng sasakyan.

Binigyang-diin ng opisyal na dapat maging red flag sa mamimili kung walang maipakitang kumpletong dokumento ang nagbebenta dahil posibleng nakaw ang sasakyan o peke ang mga papeles.

--Ads--

Nagbabala rin ang opisyal laban sa mga sasakyang may  open deed of sale sa dokumento, at hinikayat ang mga mamimili na tiyaking maayos at kumpleto ang dokumentasyon ng bentahan upang maiwasan ang problema sa legalidad ng transaksyon.

Giit pa ni PMaj. Bagayao, hindi dapat mababang presyo o magandang kondisyon lamang ng sasakyan ang maging basehan sa pagbili, kundi higit sa lahat ay ang pagiging lehitimo ng mga dokumento at pagkakakilanlan ng sasakyan.