Patuloy ang pag-arangkada ng 12-anyos na si Fatima Naseem sa mundo ng martial arts matapos niyang makuha ang panibagong Guinness World Record para sa titulong “most balloons burst by high-heel kicks above the head in one minute”.
Sa loob lamang ng isang minuto, nagawang paputukin ng batang black belter ang 35 na lobo gamit ang pagsipa habang nakasuot ng high heels. Higit na mas mataas ito kaysa sa dating record na 22 lobo lamang.
Ayon kay Fatima, nagsimula siyang mag-aral ng martial arts sa edad na tatlo, sa inspirasyon ng kanyang ama na si Muhammad Rashid, na isa ring sikat na world record holder.
Hindi ito ang unang titulo ni Fatima. Hawak din niya ang mga record para sa most elbow strikes at most splits sa loob ng isang minuto. Pangarap ni Fatima na maging isang professional fighter at makuha ang pinakamaraming martial arts records sa buong mundo.











