Pinalakas ng mga awtoridad sa paliparan at pantalan sa bansa ang border screening upang maiwasan ang posibleng pagpasok ng hantavirus sa Pilipinas, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Lunes.
Kasunod ito ng internasyonal na monitoring sa naiulat na hantavirus outbreak na konektado sa MV Hondius, isang barkong bumiyahe mula Ushuaia patungong Cape Verde. Ang hantavirus ay sakit na nagmumula sa mga daga at maaaring maipasa sa tao, na nagdudulot ng sintomas tulad ng lagnat, pagkapagod, at pananakit ng kalamnan.
Ayon sa DOH, nakikipag-ugnayan ang ahensya sa World Health Organization, Bureau of Quarantine (BOQ), at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) upang bantayan ang sitwasyon.
Bago makapasok sa bansa, kinakailangang sagutan ng mga pasahero ang health declaration sa eGovPH app kung saan ilalagay ang kanilang travel history at posibleng sintomas. Sa pagdating, isinasailalim sila sa screening ng BOQ gamit ang infrared thermal scanners upang matukoy ang posibleng lagnat.
Ang mga pasaherong mula sa mga apektadong lugar o may sintomas ay dinadala sa BOQ office para sa mas masusing pagsusuri, kabilang ang travel at exposure history at physical examination. Kung kinakailangan, sila ay inilalagay sa isolation facilities at DOH hospitals tulad ng RITM para sa gamutan at monitoring.
Tiniyak din ng DOH na handa itong magsagawa ng laboratory testing sa 38 Pilipinong seafarers ng MV Hondius pag-uwi ng mga ito sa bansa, kasabay ng kanilang anim na linggong quarantine sa Netherlands.
Nauna nang nilinaw ng DOH na wala pang naitatalang kaso ng hantavirus sa Pilipinas sa taong 2026.











