Pinayuhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga nagtapos na 207 na kadete ng Philippine Military Academy (PMA) “Talang Dangal” Class of 2026 na manatiling tapat sa Konstitusyon at huwag magpagamit sa pulitika, personalidad, o anumang ideolohiya.
Sa graduation rites sa Fort Del Pilar sa Baguio City, binigyang diin ng pangulo na ang tunay na katapatan ng sundalo ay dapat nasa bayan at Konstitusyon lamang.
Kasabay nito, inatasan din ng Commander-in-Chief ang mga bagong opisyal na mahigpit na panindigan ang PMA Honor Code.
Ang pagtataksil aniya sa bayan at sa sinumpaang tungkulin ang pananahimik sa harap ng maling gawain.
Ayon pa kay Pangulong Marcos, hindi na lang tradisyunal na giyera ang kinahaharap ng militar dahil kasama na rito ang cyber threats, disinformation, agresyon sa teritoryo, at mga kalamidad dulot ng climate change.
Dahil dito, sinabi ng pangulo na pinalalakas na rin ng PMA ang pagsasanay sa data science, artificial intelligence, electronic warfare, Python foundations, at unmanned systems para makahabol sa makabagong banta.










