Dinagsa ng maraming residente ang tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) Cauayan City upang magparehistro ngayong huling araw ng voter’s registration.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Vallejo, Election Officer ng Comelec Cauayan, sinabi niya na hanggang alas-tres lamang ng hapon ang cut off ng pagpaparehistro subalit kung marami pa ring registrants hanggang sa naturang oras ay kukuhanin ang pangalan ng mga ito at magpapatuloy pa rin ang registration hanggang sa ma-accommodate ang lahat ng mga nakapila.
Epektibo naman aniya ang satellite registration na isinagawa ng ahensya sa iba’t ibang mga barangay at paaralan dahil marami ang nagparehistro sa mga ito.
Gayunpaman, inasahan naman na nila na marami talaga ang dadagsang residente lalo na tuwing huling araw ng registration kaya naman napaghandaan na nila ito ng maigi.
Para mas maging maayos ang sistema, ang pagbibigay registration form ay isinasagawa sa ground floor ng Comelec building at kapag tapos na sa pag-fill out at kumpleto na sa requirements gaya ng Identification Card ay pwede nang magtungo sa 3rd floor ng gusali para sa karagdagang proseso.
Nilinaw naman ni Atty. Vallejo na para sa mga SK voters na wala pang Philsys ID, maaaring magdala ng isang rehistradong botante na magpapatunay sa kaniyang pagkakakilanlan.











